May mga paramdam na ang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces sa kanyang pamilya bago siya tuluyang mamaalam nitong nagdaang Byernes May 20 sa edad na 80.
Tuloy pa rin ang pagdagsa ng mga tagahanga at mga celebrities sa lamay ng veteran actress sa Heritage Park sa Taguig City para magbigay ng kanilang huling respeto at pagpupugay.
Ayon sa anak ni Susan Roces na si Sen. Grace Poe, feeling niya ay inihanda na sila ng ina sa pagpanaw nito. Pero bilang anak ay ikinabigla pa rin niya ito.
"Kapareho ng marami, nabigla rin naman kami pero naisip ko parang hinahanda niya na rin kami nitong mga nakaraang buwan," pahayag ng Senadora sa 'Kapuso Mo, Jessica Soho.
Patuloy pa niyang kuwento,
"Alam mo mula nang magpandemya, napansin ko na 'yung nanay ko maraming mga nililigpit sa bahay, tapos panay ang bilin niya, 'O yung ganito ha, pagka-ano ganito ang gagawin mo, 'yung mga gamit ni Papa dito, mga ganyan, marami siyang inuulit-ulit. Nagkaroon siya ng oras para mag-isip, at palagi niyang binabalik sa kanyang alaala 'yung mga nakaraan, so palagi niyang kinukuwento 'yung dad ko."
Nitong mga nakaraang mga buwan, hindi na umano nagkakain ang nasabing aktres kaya naman nagpa-RTPCR Test sila kung bakit wala itong ganang kumain. Negatibo naman umano si Susan sa sikat na sakit at okay rin ang resulta ng kanyang blood test.
Inamin din naman ng Senadora na may nararamdaman siyang pagsisisi dahil sa limitadong oras nila together dahil sa kanyang trabaho.
"Siguro kung meron akong pagsisisi, siyempre 'yung trabaho sa politika, medyo demanding e, palagi kang may pinupuntahan, o may ginagawa ka ganyan, so 'yung mga naging oras ko para sa nanay ko, mas kaunti."
Kaya ang advice niya sa lahat ng mga anak, sulitin na ang oras na kasama ang pamilya. Lalo na sa mga magulang dahil hindi natin alam kung hanggang kailan sila mananatili sa ating piling.
"Ang masasabi ko sa ating mga manonood, para sa mga magulang niyo, sabihin niyo na sa kanila ang gusto niyong sabihin para kung sakaling mawala sila.
Sa nanay ko, kahit kausap ko siya madalas, mayroon pa rin akong hindi masabi e. Hindi lamang 'yung 'Mama, I love you' ganun, siguro 'yung mahigpit na yakap."
Cardio-pulmonary Arrest ang ikinamatay ni Susan Roces ayon kay Grace Poe at sa tingin din niya nangungulila na din ito sa naunang yumaong asawa na si Fernando Poe Jr.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!