Umani ng kaliwa't kanang pambabatikos mula sa mga netizens ang pelikulang Maid in Malacanang. Kung saan mapapanood ang isang eksenang nagmamahjong ang karakter na kahawig ni Dating Pangulong Cory Aquino kasama ang mga madre.
Makikita sa isang eksena ng pelikulang Maid in Malacanang ang pakikipaglaro ng mahjong ni Dating Pangulo Cory Aquino sa ilang mga madre sa Cebu. Nangyari umano ang nasabing eksena noong kasagsagan ng People Power Revolution noong February 1986.
Ang nasabing eksena ay inalmahan ng mga madre sa Carmelite Monastery sa Cebu. Tila pinapalabas sa pelikula na nakikipag mahjong lamang si Dating Pangulo Cory kasama ang mga madre habang may nangyayaring crisis sa bansa.
Sa official statement na inilabas ng isang madre na si Sr. Mary Melanie Costillas Prioress ng Carmelite Monastery sa Mabulo, Cebu City, sinabi niyang bagama't hindi nakasuot ng kanilang brown religious habit ang mga madre sa eksena, kung layunin nitong ipakita ang nangyari noong February 1986 masyado umanong halata na sila ang tinutukoy sa eksena na kasama ang dating pangulo.
Iginiit din niya na hindi man lamang sila nilapitan ng production team ng pelikula para tanungin kung ano ang totoong nangyari sa mga panahong iyon. Gayung ang ilang mga madre na nakasama noon ni Dating Pangulong Cory ay nabubuhay pa. Dagdag pa niya, hindi umano makatwiran ang pagtatangka ng pelikula na baluktutin ang kasaysayan.
Aniya, ang paglalarawan sa kanyang kasamahang madre na naglalaro ng mahjong kasama ang dating pangulo ay malisyoso. Dahil nagmumungkahi itong, habang ang bansa ay nasa panganib, nakuha pa nilang maglaro ng mahjong.
Taliwas din umano ng ipinapakita ng pelikula ang tunay na nangyari, dahil noong kunupkop nila ang Dating Pangulo sila ay nagdasal, nag-ayuno at nagsagawa ng mga sakripisyo para sa kapayapaan ng bansa at para manaig ang desisyon ng sambayanang Pilipino.
Samantala, nagsalita naman ang direktor ng pelikulang si Darryl Yap, kaugnay sa pahayag ng madre. Sa kanyang pahayag sinabi ng direktor na hindi niya naisip na kailangan pang kunsultahin ang mga Carmelite Sisters tungkol sa eksena. Iginiit din niya na walang Carmelite Sisters na nabanggit sa pelikula. Pero kung kailangan talaga umano niyang kumonsulta sa isang madre sa paggawa ng kanyang pelikula. Hihingi umano siya ng payo mula kay Valak na kilala bilang evil nun sa pelikulang The Conjuring.
Inimbitahan pa ng direktor ang mga Carmelite Sisters na panoorin ang pelikula.
Ang pelikulang Maid in Malacanang ay tumatalakay sa untold stories ng huling 72 hours ng mga Marcos sa loob ng Malacanang bago sila lumikas papuntang Hawaii noong EDSA Revolution noong 1986.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!