Coco naiinggit sa mga K-drama kaya mas lalong ginagalingan ang trabaho: ‘Kayang-kaya ring gawin yan na mga Filipino!’

Miyerkules, Pebrero 22, 2023

/ by Sparkle

 



KUNG may isang artistang masasabing tumanggap talaga ng unos ng blessings nitong mga nakaraang taon, ito ay walang iba kundi ang Teleserye King na si Coco Martin.


Nagsimula talaga si Coco sa wala at galing sa baba ngunit dahil sa kanyang pagsusumikap, tiyaga, disiplina at dedikasyon sa trabaho ay narating niya ang rurok ng tagumpay.


Pero hindi biglaan at hindi mabilis na narating ng award-winning actor ang kanyang kasalukuyang estado. Dumaan din siya sa matinding pagsubok bago nagtagumpay.


Sa grand mediacon ng bago niyang ABS-CBN series na “FPJ's Batang Quiapo”, binalikan ng aktor ang kanyang pinagmulan at kung paano siya nagsumikap para makamit ang kanyang mga pangarap.


Ayon sa aktor, hindi niya inaasahan na makakatanggap siya ng ganoong blessings sa buhay. Masaya raw siya noong nagra-racquet siya bilang extra at kumikita ng sapat na pera para makatulong sa pamilya.


“Sa buhay ko noong nag-aartista ako, sabi ko nga, hindi ko naman pinangarap maging artista. Siguro sa pakikipagsapalaran sa kahirapan ng buhay noong nakakita ako ng oportunidad na dito ako kikita, sinamantala ko yung pagkakataon.


“Hindi ko talaga siya tinitignan na parang gusto ko talagang maging artista, basta ang tingin ko dati raket lang ito, basta kikita ako, titirahin ko iyan.


“Noong nakita ko na hindi na siya raket, noong napamahal na sa akin yung trabaho ko, nakita ko na parang may oportunidad pala na maging totoo siyang hanapbuhay.


“Kaya pinahalagahan ko siya at talagang nakinig ako, inaral ko kung paano talaga maging propesyon itong bagay na ito,” pahayag ni Coco.




Aniya pa, “Yung pagiging direktor, siguro sa pagiging interes ko sa mundong ginagalawan ko o sa industriyang ito hindi ko namamalayan na yung mga panahon na nagsisimula ako.”


Marami rin siyang natutunan sa mga taong nakatrabaho niya sa likod ng camera, “Hindi kasi ako yung tipo ng artista na nakatambay sa tent at makikipagkuwentuhan sa mga kapwa artista ko.


“Mahilig ako na nasa labas, ang kakuwentuhan ko yung mga staff at cameraman, tapos lagi akong nakikinig kung paano nagbibigay instruction yung direktor, pati yung mga writers kung paano nila binubuo yung script at yung kuwento.


“Hindi ko namamalayan na nakakapag-aral na pala ako noon nang dahan-dahan.


“Kaya dumating yung point na nag-aartista ako, sabi ko sa sarili ko, siyempre kapag artista ka, isa sa mga pangarap mo na sana balang-araw maging direktor ka,” lahad pa niya.


Natupad ang kanyang pangarap nang magbida siya sa longest-running teleserye sa telebisyon sa Pilipinas, ang "FPJ's Ang Probinsyano". Pero sabi ni Coco, isa rin ito sa pinakamahirap na estado ng kanyang career.


“Ang pinakamali ko sa buhay ko noong pinasok ko na yung pagdidirek. Napakahirap pala niyang responsibilidad, hindi siya ganun na makakapagdirek ka, ayon na yun, pero hindi.


“Sabi nga nila, ikaw yung kapitan ng barko, kapag nagkamali yan, kung ano man ang mangyari, ikaw at ikaw ang may kasalanan diyan.


“Ngayon, ang problema ko sa sitwasyon ko ngayon, nahahati ako, dahil ako yung artista, ako yung nag-iisip ng kuwento.


“Minsan ako rin yung nagsusulat, ako rin yung nagdidirek, tapos ako rin yung nagla-line prod nitong production na ito (Batang Quiapo). Kaya ang nangyayari, magkakalaban siya. Ang pagiging creative at saka producer, number one na magkalaban yan.


“Kasi mag-iisip ka ng kuwento para palakihin pero ikaw rin yung magpipigil sa sarili mo para paliitin. Kaya ang hirap-hirap ng sitwasyon. Siguro sa awa ng Diyos at sa pagmamahal ko sa trabahong ginagawa ko ngayon, nakakaya naman po,” pagbabahagi pa ng aktor.


Samantala, nagpahayag din siya ng kanyang opinyon tungkol sa mga Pinoy na tumatangkilik sa mga Korean movies at K-dramas.


“Pinipilit na kayanin at talagang kasi ang goal ko ano, e, naiinggit ako, honestly, sa mga Korean telenovelas na lumalabas ngayon


“Sobra siyang naa-appreciate ng mga Pilipino, na para sa akin sinasabi ko na kayang-kaya rin nating gawin yan na mga Pilipino.


“Kasi alam ko na napakahusay talaga natin at napaka-talented naman natin,” paliwanag pa niya.


“Ang kailangan lang talaga natin may taong magtitiwala na bigyan tayo ng pondo, tamang oras, kasi yung talento na sa atin, e. Para sa akin, ang mga Pilipino ang isa sa mga mahuhusay na artista sa buong mundo.


“Ang mga direktor, writer, lahat napakahuhusay, hindi lang tayo nabibigyan ng oportunidad at nasusuportahan.


“Kaya noong ginagawa ko yung Ang Probinsyano at ngayon na Batang Quiapo, sabi ko, kung ano yung masasagad ko, kung ano yung nakikita kong best para sa project na ito, hindi na ako nagho-hold back.


“Ginagawa ko, sinasagad ko na kasi nangangarap ako na sana mapansin din tayo kagaya ng mga indie films natin na napapansin sa abroad. Kahit maliit yung budget, nilalaban tayo sa malalaking film festival at tayo pa yung nananalo,” saad pa ng aktor.


Kaya ang ipinagdarasal daw niya ngayon, “Sana itong Batang Quiapo at yung iba pang shows sa ABS-CBN, at maging sa ibang network, sana this time, sa taong ito tayo naman ang mapansin ng ibang bansa.”


Kasama rin sa "Batang Quiapo" sina Charo Santos-Concio, Lovi Poe, John Estrada, Cherry Pie Picache, Lito Lapid, Christopher de Leon, Irma Adlawan, Mark Lapid at McCoy de Leon.


Kasama rin sa cast sina Benzon Dalina, Ronwaldo Martin, Jojit Lorenzo, Ping Medina, Mercedes Cabral, Alan Paule, Lou Veloso, Susan Africa, Pen Medina at marami pang iba. Ito ay mula sa direksyon nina Coco at Malu Sevilla.


Huwag palampasin ang maaksyong pagbabalik ni Coco sa "FPJ's Batang Quiapo" tuwing 8 p.m. sa iba't ibang platform ng Kapamilya Network.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo