Kinumpirma ng Cabuyao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) nitong Linggo, March 26, 2023, na bukod sa 104 na estudyanteng naiulat na naospital, may 34 pang estudyante mula sa Gulod National High School-Mamatid Extension sa Cabuyao, Laguna, ang naisugod sa hospital matapos isagawa ang fire drill.
Matatandaang nauna nang naiulat ang 104 estudyanteng nasugod sa ospital matapos umano silang mahilo at mahimatay dahil sa init ng panahon at kawalan ng inumin habang isinasagawa ang fire drill na nangyari noong Huwebes, March 23.
Base sa report ng Cabuyao CDRRMO, ang nasabing 34 na mga estudyante ay nagpunta sa eskwelahan noong Biyernes, March 24, sa kabila umano ng utos ni Mayor Dennis Hain sa kanilang principal na kanselahin muna ang klase habang iniimbestigahan pa ang insidente.
Bigla na lamang umanong nahimatay ng sunod-sunod ang mga estudyante na naging dahilan ng tuluyang pagkakansela ng klase.
Isinagawa ang school fire drill sa Gulod National High School-Mamatid Extension sa Cabuyao, Laguna, noong Huwebes March 23, 2023 bandang alas 2 ng hapon alinsunod sa Department of Education Order No. 53, Series of 2022 (Mandatory Unannounced Earthquake and Fire Drills in Schools).
Base sa pasiunang investigation, nahilo dahil sa gutom at uhaw ang mga studyante. Napag-alaman din na hindi nakipag-coordinate sa mga kinauukulan ang nasabing paaralan sa isinagawa nilang fire drill.
Wala rin umanong medics at tanging Boy Scouts at Girl Scouts lamang ang naroroon.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!