Kinumpirma ng mga awtoridad na ang DNA evidence na nakolekta mula sa abandonadong sasakyan na nauugnay sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon ay tumugma sa sariling DNA ng kanyang mga magulang.
Sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group Director Police Major General Romeo Caramat Jr. sa isang panayam ng ABS-CBN News nitong Lunes, November 20, na ang mga natagpuang hibla ng buhok at dugo sa abandonadong SUV ay tumugma sa mga sample ng DNA mula sa mga magulang ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.
Nauna nang naiulat na natagpuan ang sasakyan noong November 8 sa isang bakanteng lote sa Barangay Dumuclay, Batangas City. Iniulat ng PNP Forensic Group na 17 hibla ng buhok, fingerprints, at 12 pamunas ng mga sample ng dugo ang natagpuan sa loob ng nasabing sasakyan.
“It only says na ‘yung sinasabi ng mga witnesses natin na nakita nila na binubuhat si Miss Camilon ay positive. Confirmed na si Miss Camilon ‘yung nakita nila,” pahayag ng Police Director.
Nauna nang sinabi ng dalawang saksi na nakita nilang duguan at wala ng malay na si Catherine Camilon na inilipat ng tatlong lalaki mula sa kanyang kulay abong Nissan Juke patungo sa isang pulang Honda CRV sa bayan ng Bauan noong gabi ng October 12.
Sa kabila ng resulta ng DNA matching, sinabi ni Police Director Caramat na mananatili ang mga kasong kidnapping at serious illegal detention sa mga akusado hanggang sa mahanap na nila si Catherine Camilon.
Sa ngayon ay hindi pa rin natutukoy ng mga kapulisan ang kinaroroonan ni Catherine Camilon, hindi pa rin nila masasabi kung buhay pa ba ito o patay na matapos ang mahigit isang buwang pagkakawala.
“Up to now, hindi pa natin nakikita o narerecover ‘yung katawan ni Miss Camilon. Hindi pa natin alam kung siya ay buhay o patay na.”
Si Catherine Camilon ang naging kinatawan ng Tuy, Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 pageant noong July. Huli siyang nakitang buhay sa isang mall sa bayan ng Lemery noong October 12, 2023.
Unang naiulat na nawawala si Catherine Camilon noong October12. Sinabi ng kanyang ina na si Rose Camilon na nakausap pa niya sa huling pagkakataon ang kanyang anak bandang alas-8 ng gabi ng October 12, kung saan sinabi sa kanya na ang 26-anyos na anak na nasa isang gasoline station sa Bauan at pupunta sa umano sa isang meetinsa Batangas City.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!