Tukoy Na! Police Major Na Sangkot Sa Pagkawala Ni Miss Grand Philippines 2023 Candidate Catherine Camilon Sinampahan Na Ng Kaso

Lunes, Nobyembre 13, 2023

/ by Lovely


 Inilantad na ng mga kapulisan ang pagkakakilanlan ng mga kalalakihang sangkot sa pagkawala ng Miss Grand Philippines 2023 na si Catherine Camilon kabilang na ang isang Police Major.


Sinampahan na ng mga kasong kidnapping at serious illegal detention ang apat na indibidwal na pinaghihinalaang sangkot sa pagkawala ni Catherine Camilon kabilang na ang isang Police Major.


Sa isang press conference, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang mga suspek na nahaharap sa mga kaso ay kinilala na sina Police Major Allan de Castro, Jeffrey Magpantay, at dalawang John Does.


“Nakapag-refer na po sila ng kasong violation po ng particularly kidnapping and serious illegal detention diyan po sa Batangas Provincial Prosecutor Office against Major Allan de Castro, at isa pang nagngangalang Jeffrey Ariola Magpantay, at dalawang pa pong John Does,” pahayag ng spokesperson.


Isiniwalat din ni Jean Fajardo na nakakita rin ang mga awtoridad ng posibleng sample ng dugo at hibla ng buhok mula sa isang SUV na iniuugnay sa pagkawala ng beauty queen.


Natagpuan ang sasakyan sa Barangay Dumuclay, Batangas City, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group 4A nitong Biyernes.


Iginiit naman ng mga nagpakilalang saksi na ang sasakyan ay inabandona sa lugar simula noong Huwebes.


Dinala ang sasakyan sa Batangas Provincial Police Office para sumailalim sa forensic test, ayon sa pulisya.


Ipinahayag din ni Jean Fajardo na natukoy na ang may-ari ng nasabing sasakyan.


Matatandaan na may dalawang saksi na nagkapagsabing nakita nilang duguan si Catherine Camilon habang inilipat mula sa kanyang sasakyan patungo sa isa pang sasakyan noong October 12 2023.


Sinabi rin ng mga saksi na nakita nila ang isa sa mga persons of interest na nagtutok sa kanila ng baril. Personal driver umano ng second person of interest ang gunman.


Nauna nang sinabi ng pulisya na may dalawang persons of interest silang tinitingnan sa pagkawala ni Camilon, kabilang ang isang pulis at dating may-ari ng sasakyan ng beauty queen.


Ayon sa mga awtoridad, isang matalik na kaibigan ni Catherine Camilon ang nakipag-ugnayan sa kanyang kapatid na si Chin-chin at sinabi sa rito ang umano'y relasyon ng nawawalang beauty queen at ng pulis.


Nakatakda umanong magkita ang pulis at si Catherine Camilon sa mismong araw ng pagkawala ng dalaga. Ibinigay din umano ng pulis kay Catherine Camilon ang sasakyang ginamit ng beauty queen nang umalis ito sa kanyang bahay.


Samantala, nahaharap sa reklamong carnapping at estafa ang dating may-ari ng sasakyan ni Catherine Camilon na gumamit umano ng pekeng address sa deed of sale ng sasakyan. Ayon sa pulisya, hinala nila na sangkot sa carnapping group ang dating may-ari.


Samantala, ang reward para sa impormasyon sa lokasyon ni Catherine Camilon ay kasalukuyang nasa P250,000, kung saan ang pondo ay nagmumula sa Batangas Vice Governor Mark Leviste, sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, at sa business sector.




Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo