Nagbigay na ng pahayag ang beteranong kolumnista na si Cristy Fermin patungkol sa mga kasong isinampa ng aktres na si Bea Alonzo laban sa kanya at sa kapwa showbiz columnist na si Ogie Diaz.
Noong Mayo 2, 2024, nagsampa ng tatlong magkakahiwalay na kasong cyber libel si Bea Alonzo laban kina Cristy Fermin at talent manager Ogie Diaz sa Quezon City Prosecutors Office.
Ayon kay Bea Alonzo, nagsinungaling umano sina Ogie Diaz at Cristy Fermin laban sa kanya at ikinalat ito gamit ang kanilang online shows at news paper columns.
Binanggit din ni Bea Alonzo na ipinakalat nina Ogie Diaz at Cristy Fermin na hindi siya nagbabayad ng tamang buwis.
Sa kanyang online program na si Cristy Ferminute, sinabi ng beteranong kolumnista na bahagi talaga ng kanilang trabaho ang pagharap sa mga kaso at pagpapahayag ng mga balita patungkol sa mga buhay ng mga public figures.
Tinutulan din niya ang pahayag ng kampo ni Bea Alonzo at itinanggi na gumagawa lang sila ng content tungkol sa aktres para makakuha ng view at kumita ng pera.
“Ang mga programa namin ay hindi dinesenyo para lamang kay Bea Alonzo, ito po ay para ibalita ang lahat ng kwento, positibo man o hindi tungkol sa mga personalidad na kung tawagin natin ay public figures at bilang pampublikong pigura sila ay kami naman po ‘yung nagtatawid ng mga balita tungkol sa kanila,” pahayag ng kolumnista.
Sinabi rin ni Cristy Fermin na siya ang nagtatanggol kay Bea Alonzo noong nahaharap ito sa mga matitinding isyu noon.
Iginiit rin ni Cristy Fermin na wala siyang balak na makipag-areglo kay Bea Alonzo dahil handa umano siyang harapin ito kahit saan pang korte.
“Ang publiko ay nakatanaw sa inyo, bawat galaw niyo, bawat ikot niyo marami ang nakatanaw. Wala kayong maaring ligtasan. Kaya public figures kayo, huwag masyadong balat-sibuyas,” saad ni Cristy Fermin.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!