Kim Atienza Napaamin, Pagkakamali Niya Kay Vice Ganda at sa It's Showtime

Martes, Hunyo 25, 2024

/ by Lovely


 Nagpaunlak kamakailan ang TV host na si Kim Atienza na mas kilala sa showbiz bilang Kuya Kim ng isang panayam sa showbiz vlog ni Ogie Diaz.


Sa nasabing vlog na ibinahagi ni Ogie Diaz sa kanyang YouTube channel, napag-usapan nila ang ibinahaging tweet noon ni Kuya Kim para kay John Pratts na naging isa sa mga director ng It's Showtime.


Matatandaan na nag-viral noon ang tweet ni Kim Atienza kung saan binati niya si John Pratts bilang bagong direktor ng It's Showtime subalit ang nakapagbigay ng intriga ay ang side comment ni Kim Atienza na talagang magaling si Lord dahil iniwas na siya sa sakit ng ulo.


Ayon sa naging pahayag ni Kuya Kim sa panayam ni Ogie Diaz, na-misinterpret ng maraming mga netizens ang naging mensahe niya kay John. Inilahad pa ni Kuya Kim na ang naging mahirap sa Twitter ay ang pagiging limitado ng mga maaring sabihin sa post dahilan para mawawala ang context ng kanyang sinasabi.


Nilinaw ni Kuya Kim na ang ibig niyang sabihin sa tweet niya ay baka sumakit ang ulo ni John Pratts dahil sana'y itong mag-direk ng mga pelikula at teleserye, hindi umano ito katulad sa It's Showtime na isang live show.


Ipinahayag pa ni Kuya Kim na laging sumasakit ang ulo ni Bobet Vidanes sa pagdi-direct ng It's Showtime dahil live show ito at talagang mahirap umano na kakailanganin ang mga bagong set of skills.


Nilinaw rin ni Kuya Kim na hindi pasaring sa mga dating kasamahan niya sa show ang sinabing masakit sa ulo, lalo na si Vice Ganda.


Nagkataon lamang umano na kalilipat pa lamang niya sa GMA7 sa mga panahong iyon kaya naman nabigyan ng kulay ng ilang mga netizens ang kanyang naging tweet. 


Naging sensitive rin lamang umano ang ilang mga netizens dahil kakalipat pa lamang niya at nagtatanong pa ang marami kung bakit bigla na lamang siyang umalis sa It's Showtime.



Iginiit din ni Kuya Kim, na walang malisya para sa kanya ang naging post niya, subalit hindi na niya mababawi dahil nag-viral na sa ilang mga social media platforms.


Gayunpaman, nilinaw ni Kuya Kim na maayos naman ang relasyon nila ni Vice Ganda at hindi naman umano sila naging magkaaway, may mga hindi pagkakaunawaan silang dalawa subalit naayos naman umano nila ito.


Isa sa mga hindi pagkakaunawaan nila ay iyong naging komento niya kung saan lumalabas na kinakampihan niya si Karylle noong nagkaroon ng isyu ang It's Showtime. 


Ayon kay Kuya Kim, naging padalos-dalos siya dahil inaanak niya si Karylle at malapit siya rito, hindi na umano niya naisaalang-alang kung ano ang totoong naganap sa show,


Gayunpaman, naayos na umano nila ito ni Vice Ganda at nakapag-usap na sila ng matagal para maging malinaw ang lahat.


Iginiit din ni Kuya Kim na hindi siya fighter kundi isang lover.



Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo