Kaagad na naglabas ng public apology si Rosmar Tan hinggil sa isyung kinasasangkutan nila ng kapwa social media personality na si Rendon Labador matapos nilang sugurin ang isang empleyado ng gobyerno na bumatikos sa pagbisita nila sa Coron, Palawan.
Naganap ang komprontasyon matapos sumugod si Rosmar, kasama ang motivational speaker na si Rendon Labador, sa municipal hall ng Coron upang harapin ang empleyadong si Jho Cayabyab Trinidad, na nagsabing ginamit ng dalawang personalidad sa social media ang mga kawani ng gobyerno para sa publisidad.
Inirereklamo nito ang isang oras nilang paghihintay kung saan nalipasan na sila ng gutom at hindi rin umano sila nabigyan ng kahit maliit na kompensasyon man lamang para sa kanilang pagtulong at pag-assist.
Naglabas na rin ng pahayag ang Mayor's Office kung saan inilahad na plano na ng mga opisyal ng Coron, Palawan na ideklarang persona non-grata sina Rendon Labador at Rosmar Tan.
Kung sakaling maaprubahan ito ay hindi na muling makakapunta sa kanilang lugar pagkatapos ng insidente sina Rendon Labador at Rosmar Tan.
Samantala, sa isang Facebook post, naglabas ng public apology si Rosmar kung saan inilahad niyang nadala lamang siya ng kanyang emosyon dala na rin umano marahil dahil sa kakapanganak pa lamang niya at humingi ng tawad sa kanyang inasal.
“Sorry kung nagkaganun reaction ko sadyang kakapanganak ko lang nadala lang ng emosyon. Wala naman kami ginusto kundi makatulong lang,” pahayag ni Rosmar sa kanyang post.
Inilahad rin ni Rosmar na nagkausap na rin sila ni Rendon Labador patungkol sa kanilang isyu na kinaharap sa Coron, Palawan.
“Sobra kami nagpangaral sa kanya na maging mabait kasi mabait naman talaga siya kaya sinama namin siya sa mga ganap at charity. Madami din ako nabasa na bakit sumasama daw ako kay Kuya Rendon, nahawa daw tuloy ako,” pahayag ni Rosmar.
“Guys, pasensya na na-trigger lang talag ako. Nakasama namin si Kuya Rendon at mabait din naman talaga siya. Pasensya na po sa mga naapektuhan. Nasaktan kami sa nangyari pero aminado kami na nagkamali din kami, tao lang. Patawad,” dagdag pa ni Rosmar.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!