Rosmar Tan, Rendon Labador at Team Malakas, Nag Public Apology

Miyerkules, Hunyo 19, 2024

/ by Lovely


 Muling humarap sa publiko ang Motivational Speaker na si Rendon Labador, entrepreneur na si Rosmar Tan, at ang buong Team Malakas para humingi ng paumanhin sa kanilang inasal sa kanilang pagbisita kamakailan sa Coron, Palawan.


Naging laman ng mga usap-usapan sa ilang mga social media platforms sina Rendon Labador at Rosmar Tan ngayong linggo matapos mailathala sa social media ang isang video ng kanilang pagsugod sa isang empleyado ng Coron Municipal Hall.


Nagsimula ang isyu nang punahin ng empleyadong si Jho Cayabyab Trinidad ang pagbisita ng Team Malakas nina Rendon Labador at Rosmar Tan sa Coron at inakusahan pa sila ng paggamit ng mga kawani ng munisipyo para sa kanilang benepisyo.


Matapos ang insidente, isang konsehal ng Coron ang nagtulak na ideklarang persona non grata ang dalawang social media personalities sa munisipyo ng Coron dahil sa kawalan nila ng respeto sa Municipal Hall at doon pa talaga kinumpronta ang empleyado.


Kaagad naman binatikos ng maraming mga netizens ang ginawa ng dalawang social media personalities at sinigundahan ang balak ng konsehal ng Coron na ideklara silang mga persona non-grata.


Humingi naman ng paumanhin sina Rendon Labador, Rosmar Tan at iba pa nilang kasamahan sa buong munisipalidad ng Coron at sa empleyado na dinuroduro nila para tugunan ang mga batikos na kanilang natanggap.


“Pasensya na kay Ma’am Jo, sa munisipyo at lalo na po kay Mayor (Marjo Reyes), at syempre po sa bayan po ng Coron, Palawan. Sorry po talaga na parang pinost ko na “Never again” hindi ko po sinasadya na i-generalize po kayo. Nagpadala po ako sa bugso ng damdamin at ‘yun po yung pinaka maling ginawa ko and humihingi po ako ng tawad," paghingi ng paumanhin ni Rosmar Tan.


Ipinaliwanag naman ni Rendon Labador, na sumugos sila sa munisipyo hindi bilang mga influencer, o popular figures kundi bilang mga Filipino citizen na gustong ilabas ang kanilang pagkadismaya sa ginawa ng isang public servant.


"Gusto ko lang po linawin na pumunta po kami doon sa munisipyo hindi bilang isang celebrity, hindi isang influencer and hindi bilang, lalo na, hindi bilang Rendon Labrador, Rosmar nagrereklamo. Pumunta po kami doon dahil bilang isang Pilipino, simpleng tao na nasaktan sa nangyari dahil sa isang comment ng isang servant,” paggigiit ni Rendon Labador.


Nangangako naman sina Rendon, Rosmar, at Team Malakas na ibabalik nila ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng kanilang adbokasiya, na kinabibilangan ng pagbisita sa ilang probinsya sa Pilipinas para mamigay ng tulong.



“Babawi po kami at hindi po ito naging hadlang sa advocacy namin na makatulong at makapag bigay ng inspirasyon sa lahat ng taong nangangailangan. Team Malakas po ay magpapatuloy at hindi po kami titigil sa pagbigay ng kasiyahan, charity sa tao,” pahayag pa ni Rendon.


Sa kabila ng paghingi ng public apology nina Rendon Labador, Rosmar Tan at iba pa nilang mga kasamahan, marami pa rin sa mga netizens ang hindi naramdaman ang sinseridad mula sa nagpakilalang motivational speaker.


Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo