Nagulat ang mga tagahanga ng mga patimpalak ng kagandahan nang maglabas ng opisyal na pahayag ang Miss Universe Organization (MUO) tungkol sa pagpapasya ng Miss Panama na umatras mula sa kompetisyon ng Miss Universe 2024. Wala namang nilalaman ang pahayag na nagsasaad ng tiyak na dahilan kung bakit nagdesisyon si Miss Panama na huminto sa pageant, ngunit ayon sa mga komentaryo ng mga netizens, isang hindi pagkakaunawaan at alitan umano sa pagitan ni Miss Panama at ni Miss Dominican Republic, Celinee Santos Frias, ang pinagmulan ng isyu.
Ayon sa isang post sa Facebook page ng *Pageant Aficionado*, nagkaroon ng hindi pagkakasunduan ang dalawang kandidata, na sinasabing magka-roommate pa. Ibinahagi sa nasabing page ang mga detalye ng insidente, kung saan sinasabing may ‘superiority complex’ si Miss Dominican Republic, at hindi raw ito nakikisama sa ibang mga Latina contestants, na nagiging dahilan ng hindi pagkakasundo.
Inilahad sa post na nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawa at hindi nakayanan ni Miss Panama ang mga pahayag at pag-uugali ni Miss Dominican Republic, kaya’t nagkaroon ng pisikal na sagutan. Sinasabing si Miss Panama ang unang gumawa ng aksyon, kaya siya ang tinukoy bilang agresor sa insidente. Habang pinapalabas ni Miss Panama ang kanyang saloobin, sinasabi naman na pinagbantaan siya ng mga tagasuporta ni Miss Dominican Republic, kaya't nagdesisyon na lamang silang mag-withdraw mula sa event upang makaiwas sa mga tensyon at panganib.
Ayon pa sa mga balita, iniwan ni Miss Panama ang hotel kasama ang kanyang National Director para sa kanilang kaligtasan. Ipinahayag ng *Pageant Aficionado* na hindi umano pinayagan ng Miss Universe Organization ang kanilang pag-alis at paglilipat ng hotel, ngunit itinuring ito ng National Director bilang isang hakbang na hindi maiiwasan dahil sa mga pangyayari.
May mga nagsasabi na may mga "malalaking tao" sa organisasyon na nagtatangkilik kay Miss Dominican Republic at posibleng naging dahilan ng desisyon na ipagpatuloy ang isyu laban kay Miss Panama. Gayunpaman, mayroon din daw ilang mga miyembro ng MUO na may kaalaman na tungkol sa ugali ng Miss Dominican Republic bago pa man maganap ang insidente.
Samantala, sa isang Facebook post ng Philippine Pageants, ikino-confirm ang mga ulat ng isang netizen na sinasabing nilabag ni Miss Panama ang ilang mga patakaran ng MUO, partikular na ang lumabas siya ng hotel nang walang pahintulot. Ayon sa page, isa raw ito sa mga dahilan ng desisyon ng MUO na tanggalin siya sa kompetisyon.
Sa isang pahayag mula sa National Director ni Miss Panama, Cesar Anel Rodriguez, ipinaliwanag niya na si Italy Mora, ang Miss Panama 2024, ay isang batang babae na nagkamali ng hakbang na hindi pinapayagan ng Miss Universe Organization. Inamin niyang hindi ipinaliwanag ang partikular na dahilan ng insidente upang protektahan ang kandidata. Ngunit nilinaw niya na si Miss Panama ay hindi tatanggalin sa kanyang titulo at ipagpapatuloy pa rin ang kanyang reign bilang Miss Universe Panama.
Ang direktor ay nagbigay ng mensahe ng suporta kay Miss Panama, na sinabi niyang may mali siyang nagawa, ngunit ito ay isang bahagi ng kanyang paglago at hindi ito nangangahulugang tapos na ang kanyang karera. Hiniling din niyang igalang ang kanyang kandidata at huwag husgahan dahil sa mga nangyari, at tiniyak na mayroon pa itong magandang hinaharap bilang isang batang babae na may maraming potensyal.
Ang insidenteng ito ay nagbigay ng iba't ibang reaksyon mula sa mga netizens, may mga nagsabi ng hindi nila tanggap ang nangyari, samantalang ang iba naman ay nagpahayag ng suporta kay Miss Panama at umasa na makakabawi pa ito sa mga darating na taon.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!