Sa isang episode ng "Ogie Diaz Inspires" noong Lunes, Enero 27, ibinahagi ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid ang kaniyang pananaw patungkol sa usaping nauurong na ang kaniyang panahon bilang isang tanyag na mang-aawit.
Aminado si Regine na may mga pagbabago na sa kaniyang boses kung ikukumpara sa kaniyang mga pagtatanghal noong mga nakaraang dekada. Para sa kaniya, natural lang ang ganitong pagbabago sa kaniyang kakayahan sa pag-awit, at tinanggap na niya ito nang buong buo.
Sa pagninilay ni Ogie Diaz, ipinaliwanag niyang kamangha-mangha ang pagiging bukas ni Regine sa katotohanan na may mga bagong henerasyon ng mang-aawit na unti-unting kinikilala sa industriya. Ayon kay Ogie, ang ibang tao ay nahihirapan tanggapin na may mga bago nang umuusbong, kaya't napag-uusapan nila ang pag-iwas sa pagkainggit at pagkatalo. Ngunit si Regine, sa kabila ng lahat ng nangyari sa kaniyang career, ay may malalim na pag-unawa sa daloy ng buhay.
Pinahayag ni Regine na hindi ito magdudulot ng sakit sa puso basta’t matutunan ng isang tao na tanggapin ang katotohanan sa industriya ng showbiz. Kung hindi raw matututong tanggapin ang mga pagbabago, maaari itong magdulot ng sakit sa sarili. “Like you said, ganun talaga ang buhay, eh. Plus it would only hurt you if you don't accept the reality of show business,” wika ni Regine.
Bilang isang mang-aawit na may mahahabang taon ng karanasan, iniisip na lamang ni Regine na siya’y nakaranas na ng tagumpay at kasikatan. Kaya’t masaya na lamang siya at tinitingnan ang mga magagandang pagkakataon sa kasalukuyan. “Ako lagi kong iniisip, na-experience ko na rin naman like you said naging mabango ka na-experience ko na ‘yon eh. Ngayon i-enjoy mo na lang kung ano pa yung nandyan,” dagdag niya.
Kahit na hindi na siya ang pinakasikat sa industriya tulad ng dati, ipinahayag ni Regine ang kaniyang pasasalamat na patuloy siyang naroroon at may mga pagkakataon pa ring makapagtrabaho. Wala raw siyang dahilan upang magreklamo, at kung may mangyaring mas maganda, ay susuklian niya ito ng kasiyahan at pagpapahalaga.
Ang kabuuang mensahe ni Regine ay nagsisilbing paalala sa lahat ng nasa industriya ng showbiz na hindi laging magiging nasa rurok ng kasikatan ang isang tao. Kaya’t mahalaga ang pagiging bukas sa mga bagong pagkakataon at pagtanggap sa mga pagbabago sa buhay. Hindi raw ito dapat ikahiya, kundi dapat tanggapin at yakapin ng may positibong pananaw upang maging masaya at matagumpay sa buhay.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!