Kasalukuyang nagpapagaling ang kilalang singer at vocal powerhouse na si Frenchie Dy matapos ma-diagnose ng Bell's Palsy. Ayon sa kanyang mga post sa social media, ito na ang ikatlong beses na naranasan ni Frenchie ang sakit na ito.
Sa kanyang mga video na ibinahagi sa Facebook, ipinaliwanag ni Frenchie ang kanyang kalagayan. Ayon sa ilang health websites, ang Bell's Palsy ay isang kondisyon kung saan biglaang nanghihina o napaparalisa ang mga kalamnan sa isang bahagi ng mukha. Ang sanhi nito ay karaniwang pamamaga o impeksyon ng facial nerve (Cranial Nerve VII), na may responsibilidad sa pagkontrol ng mga galaw ng mukha gaya ng pagngiti, pagkurap ng mata, at paggalaw ng labi.
Sa kanyang unang video noong Pebrero 4, ipinakita ni Frenchie na halatang halata ang pagkakaroon ng kahinaan sa isang bahagi ng kanyang mukha, lalo na sa bibig. Sinabi niya, “Third Bell’s Palsy attack. Kakaloka!” At doon ay ibinahagi niya kung paano nagsimula ang kanyang karanasan sa sakit.
Kwento ni Frenchie, noong Pebrero 3 habang kumakain sila ng lunch ng kanyang asawa, napansin niyang nagbago ang kanyang panlasa. Pagkatapos, bandang ala-1 ng hapon, habang umiinom siya ng tubig, naramdaman niyang tumutulo na ito mula sa kanyang bibig. "So sabi ko, shocks Bell’s Palsy nanaman, pangatlong attack," ani Frenchie. Dahil dito, agad siyang nagpunta sa ospital upang magpa-checkup at tiyakin kung ang kanyang nararamdaman nga ba ay sintomas ng Bell's Palsy.
Sa sumunod na video, naging emosyonal si Frenchie habang ipinapakita ang kanyang kalagayan. Umiiyak siya ngunit ipinagmalaki pa rin ang kanyang lakas at pagnanais na labanan ang sakit. "Medyo naiiyak ako kasi pinanghinaan ako ng loob," pagbabalik-tanaw ni Frenchie sa kanyang nararamdaman. Gayunpaman, tiniyak niya na hindi siya susuko.
“Pero I know na maraming nagpe-pray for me…Nandiyan ang asawa ko, nandiyan ‘yung mga anak ko, my friends. Lahat ng sumusuporta sakin, nandiyan. So kaya ko ‘to. Laban lang,” dagdag pa niya.
Ipinakita rin ni Frenchie ang mga gamot na nireseta ng kanyang doktor upang makatulong sa kanyang paggaling. Kasama sa mga gamot na ito ang Vitamin B Complex, steroids, at painkillers. Ayon sa singer, sasailalim siya sa ilang tests upang alamin kung bakit patuloy na bumabalik ang Bell's Palsy sa kanya, dahil ito na ang ikatlong pagkakataon na siya ay tinamaan ng parehong kondisyon.
Sa kabila ng pinagdadaanan ni Frenchie, nagpasalamat siya sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya, at nagbigay siya ng mensahe ng pag-asa sa lahat. Ipinakita niya na sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap, ang kanyang pananampalataya at ang suporta ng mga mahal sa buhay ay nagbibigay sa kanya ng lakas upang patuloy na lumaban at magsikap na gumaling.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!