PBBM Iginiit Walang Kinalaman Sa Pagpapa-Impeach Kay VP Sara Duterte

Biyernes, Pebrero 7, 2025

/ by Lovely


Nilinaw ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang mga haka-haka na may kinalaman siya sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at iginiit na wala siyang papel sa biglaang pagsusumite ng Articles of Impeachment mula sa Kamara patungo sa Senado.


Sa isang press briefing na isinagawa noong Huwebes, ipinaliwanag ng Pangulo na hindi sakop ng ehekutibo ang anumang proseso ng impeachment, na siyang dahilan kung bakit hindi siya maaring magkaroon ng impluwensya o direktang kinalaman dito. "No, the executive cannot have a hand in the impeachment. Walang role ang executive sa impeachment," ani Marcos.


Ang isyung ito ay lumitaw pagkatapos ng pirmahan ng 215 kongresista, na pinangunahan ng kanyang anak na si Ilocos Norte Representative Sandro Marcos, upang maisulong ang impeachment laban kay VP Sara Duterte. Kasunod nito, itinanggi ni Pangulong Marcos na ang impeachment case ay isang hakbang na may kinalaman sa kaniyang opisina.


Inusisa rin si Marcos ng mga mamamahayag hinggil sa posibilidad na hindi magtatagumpay ang impeachment kung wala itong basbas mula sa Pangulo. Muling tinanggihan ni Marcos ang mga pahayag na ito at binigyang-diin na ang Kongreso ay may kalayaan at karapatan na isulong ang mga impeachment cases. 


"You give me too much credit. Again, what the House has done, is clearly the constitutional mandate they have to proceed with the impeachment complaints," sabi ng Pangulo. Ipinunto niya na hindi dapat ikabit ang kanyang pangalan sa mga hakbangin ng Kamara, na tanging tungkulin ng mga miyembro nito.


Nang tanungin si Pangulong Marcos tungkol sa pag-sign ng anak niyang si Sandro Marcos bilang kauna-unahang kongresista na naglagda sa impeachment complaint, inamin ng Pangulo na kinonsulta siya ng anak ukol dito. Ngunit, nilinaw ng Pangulo na hindi niya alam na siya ang magiging unang signatory ng impeachment case. 


Ayon sa kanya, sinabi niya kay Sandro, "‘It’s your duty now to support the process, so do your duty. That’s what I told him. Do your duty. You have to support the process. You are constitutionally mandated to carry out that process and you are a congressman so do your duty.  I didn’t know that he will be the first to sign though,"


Hindi naman daw siya nakialam sa desisyon ni Sandro at iginiit na bilang isang kongresista, tungkulin ng anak niyang suportahan ang proseso at magsagawa ng kanyang mga responsibilidad bilang miyembro ng Kongreso. Aniya, hindi niya rin alam na ang kanyang anak ay magiging kauna-unahang magpirma sa Articles of Impeachment na isinagawa ng Kamara.


Sa ngayon, sinabi ng Pangulo na nasa Senado na ang bola, at ang mga senador na ang may tungkulin kung paano nila haharapin ang impeachment case. Inaasahan na aniya ng Pangulo na ang Senado ang magpapasya kung itutuloy ang mga hakbang patungkol dito, at sa kanila na nakasalalay kung anong aksyon ang gagawin.


Mahalaga para kay Pangulong Marcos na malinaw sa publiko na hindi siya nakialam o nagbigay ng direktiba hinggil sa isyung ito, at ang Kongreso ang may kapangyarihan at responsibilidad na magpatuloy ng anumang proseso ukol sa impeachment. Ang Senado na lamang ang maghuhusga sa magiging kinalabasan ng usaping ito, kaya’t inaasahang ang mga susunod na hakbang ay magmumula sa kanila.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo