Nagbigay ng pahayag si ACT-CIS Representative at senatorial aspirant na si Erwin Tulfo matapos ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang disqualification case na isinampa laban sa kanilang pamilya. Sa pahayag na inilabas nitong Martes, Marso 4, ipinaabot ni Tulfo ang kanyang pasasalamat sa Maykapal at sa Comelec sa desisyong kanilang ibinigay na, ayon sa kanya, ay makatarungan at tapat.
“Ipinagpapasalamat ko po sa Poong Maykapal at taos-puso rin po akong nagpapasalamat sa 1st Division ng Commission on Elections para sa kanilang makatarungan at patas na desisyon ukol sa petisyon na ma-disqualify ako bilang kandidato sa darating na May 2025 Senatorial race,” wika ni Tulfo sa kanyang pahayag.
Ayon pa kay Tulfo, ang pagbabasura ng kaso ay isang patunay na tapat ang ating halalan at ang kahalagahan ng pagsunod sa tamang proseso sa mga legal na usapin.
“Ang pagkakadismiss ng kaso dahil sa hindi pagsunod ng petitioner sa mga kinakailangang rekisito ng COMELEC ay patunay ng integridad ng ating halalan at ng kahalagahan ng pagsunod sa tamang proseso,” dagdag pa ng senatorial aspirant.
Pinahayag din ni Tulfo na ang desisyong ito ng Comelec ay isang malinaw na pagpapakita ng kanilang matibay na paninindigan sa katarungan, gayundin ang pagpapanatili ng kredibilidad ng demokratikong institusyon.
Matapos ang pagbabasura ng disqualification case, itinuturing ni Tulfo na mahalaga ang mga ganitong hakbang upang ipakita na ang mga institusyon ng gobyerno tulad ng Comelec ay hindi nagiging kasangkapan ng kapwa pulitiko o interes ng sinuman kundi tapat na sumusunod sa batas at sa mga itinakdang proseso.
Naalala naman ng mga netizens na noong Pebrero 18, 2025, ay isinampa ang disqualification case laban sa mga Tulfo, kabilang na si Erwin, pati na ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya tulad ng kanilang kamag-anak na si ACT-CIS Rep. Jocelyn Pua-Tulfo (na asawa ni Sen. Raffy Tulfo), ang Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo (na anak nina Sen. Raffy at Rep. Jocelyn), at si Turismo Party-list nominee Wanda Tulfo-Teo (na kapatid ng Tulfo brothers).
Ang disqualification case ay inihain ng abogadong si Virgilio Garcia na nagpakita ng mga alegasyon ukol sa isyu ng “political dynasty” bilang basehan ng petisyon laban sa pamilya Tulfo. Subalit, sa kabila ng mga isyung ipinupukol sa kanila, ipinasok ng Comelec ang desisyon na mas pinahalagahan ang tamang proseso at legal na rekisito, kaya't hindi ito pinaboran.
Sa kabila ng mga kontrobersiya, ipinagpapasalamat ni Tulfo ang mga hakbang ng Comelec at ang desisyong nagpatibay ng kanyang karapatan na magpatuloy sa laban para sa senatorial position.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!