Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) ang kanilang masusing hakbangin para sa imbestigasyon laban sa mga nagpapakalat ng "fake news" sa bansa. Ayon sa kanila, layunin nilang tuklasin kung may mga mastermind na nag-uutos o nagmamanipula sa mga tao na nagsusulong ng maling impormasyon.
Sa isang media interview, ipinaliwanag ni NBI Director Jaime Santiago na bahagi ng kanilang imbestigasyon ay ang pagsubok na malaman kung mayroong isang organisadong grupo o tao na nagtutulak ng pare-parehong tema sa mga vlogs at social media posts.
"Pinag-aaralan naming mabuti kung bakit gano'n ang tema ng mga vloggers natin ngayon. Meron bang namumuno sa kanila? Tinitignan po namin 'yan," aniya.
Ibinahagi pa ni Santiago na tinitingnan nila kung bakit parang may iisang mensahe o tema ang mga ipinapalabas na vlog at post na tila may kinalaman sa kasalukuyang mga isyu sa politika.
"Tinitignan namin bakit dumadami. Bakit parang iisa ang tema nila? Sumasakay sa kaguluhan ng ating political atmosphere,” dagdag pa ni Santiago, na nagbigay-diin sa pagtuon nila sa mga galaw ng mga social media influencers at vlogger na nagpo-promote ng mga hindi totoong balita at impormasyon na may mga political na motibo.
Ayon sa NBI, bahagi ng kanilang layunin ay matukoy kung may mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng mga ganitong uri ng impormasyon upang masugpo ang epekto nito sa mga tao.
Samantala, nagbigay din ng pahayag si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla tungkol sa isyu ng kalayaan sa pagpapahayag at kung paano nila binabalanse ang pag-iimbestiga laban sa mga lumalabag sa mga batas ng libelo at insiting to sedition. Ayon kay Remulla, bilang isang dating hukom, nauunawaan at nirerespeto niya ang kalayaan sa pagpapahayag, ngunit iginiit niyang hindi ito nangangahulugan na dapat ay palampasin na lamang ang mga paglabag sa batas.
"Binabalanse po namin mabuti. Ako bilang dating hukom… binabalanse ko ‘yan. I understand and respect freedom of speech, freedom of expression," ani Remulla.
Subalit binigyang-diin niya na kung ang kalayaan sa pagpapahayag ay lumampas na sa hangganan, at nagsasagawa na ng mga ilegal na gawain tulad ng inciting to sedition o libel, kinakailangan na ito'y pigilan at pag-usapan sa legal na pamamaraan.
"Pero kapag lumampas na sa hangganan, nakaka-commit na sila ng inciting to sedition, nakaka-commit na sila ng libel, kailangan sawatain natin ‘yan," pahayag ni Remulla.
Tulad ng naunang insidente, kamakailan lang ay inaresto ng NBI ang isang babae mula sa Cebu dahil sa pagpapakalat ng pekeng quote card na naglalaman ng isang maling pahayag na ipinapalit kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., hinggil sa ilegal na droga. Ang insidenteng ito ay isang halimbawa ng kung paanong ang mga pekeng impormasyon ay may malalim na epekto sa publiko at sa imahe ng mga lider ng bansa, kaya naman patuloy na pinapalakas ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang mga hakbang upang matukoy at maparusahan ang mga lumalabag sa batas ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ayon sa mga opisyal, ang hakbang na ito ay layong mapigilan ang paglaganap ng mga fake news na maaaring magdulot ng kalituhan at magbigay ng maling pananaw sa mga mamamayan, lalo na sa mga isyung may kinalaman sa politika at gobyerno. Ang pagtutok sa mga social media influencers at vloggers na may kapangyarihang maka-apekto sa opinyon ng publiko ay isang hakbang upang tiyakin na ang kalayaan sa pagpapahayag ay ginagamit sa tamang paraan at hindi upang maghasik ng maling impormasyon na nakakasira sa integridad ng mga lider at ng bansa.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!