Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na handa silang makipagtulungan sa International Criminal Police Organization o Interpol upang tugisin ang mga responsable sa pagpapakalat ng pekeng balita. Ayon sa ulat ng ANC 24/7 noong Lunes, Marso 24, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na kabilang sa mga target nilang imbestigahan ang mga indibidwal o grupo, pati na rin ang mga Pilipinong nakabase sa ibang bansa, na nagiging sanhi ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ayon kay Santiago, kahit na ang mga naglalabas ng pekeng balita ay mga Pilipino na naninirahan sa ibang bansa, posible pa rin silang managot sa pamamagitan ng tulong ng Interpol.
"Lalo pa’t ‘yong vlogger e US citizen. How can we enforce our law do’n sa citizen nila at hindi naman ‘yon ang umiiral na batas sa kanila? So, tinitingnan namin lahat," paliwanag ni Santiago.
Ipinahayag niya ang pagiging bukas ng NBI na magsagawa ng hakbang upang mapanagot ang mga indibidwal na gumagamit ng mga online platform upang magpakalat ng maling impormasyon, kahit pa sila ay nasa labas ng bansa.
Dagdag pa ni Santiago, "Nag-usap-usap na kami kung paano namin masawa itong mga fake news spreader, mga vloggers na nagbibigay ng fake news, saka ‘yong creators na makapag-create lang kahit hindi tama ‘yong ginagawa nila."
Ipinahayag nito ang intensyon ng NBI na magpatuloy sa pag-monitor ng mga vloggers at iba pang online content creators na may kinalaman sa pagpapakalat ng pekeng balita na nakaka-apekto sa publiko at sa seguridad ng bansa.
Matatandaang hindi lamang ang NBI ang nagbigay pahayag ukol dito. Inihayag din ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang plano na maglunsad ng isang masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga mastermind sa likod ng mga pekeng balita. Ayon sa mga opisyal, layunin nilang mapanatili ang kredibilidad ng mga balita at protektahan ang publiko laban sa maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan at kaguluhan sa lipunan.
Ang pagpapakalat ng pekeng balita ay naging isang malaking isyu sa bansa, lalo na sa social media, kung saan mabilis itong kumalat at nagiging sanhi ng kalituhan at maling pang-unawa sa mga mahahalagang isyu. Dahil dito, tinitignan ng mga ahensya ng gobyerno ang mga hakbang upang mas lalo pang palakasin ang kanilang mga operasyon laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon, kabilang ang paggamit ng makabagong teknolohiya at ang kooperasyon ng mga internasyonal na law enforcement agencies tulad ng Interpol.
Sa kasalukuyan, ang NBI ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa iba't ibang mga ahensya at internasyonal na organisasyon upang matiyak na hindi malalampasan ang mga lumalabag sa batas, lalo na ang mga responsable sa pagpapakalat ng pekeng balita. Ang hakbang na ito ng NBI at DOJ ay isang pagnanais na matigil ang malawakang problema ng maling impormasyon at mapanagot ang mga indibidwal na patuloy na nagpapalaganap nito.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!