Sumagot si Vice President Sara Duterte sa pahayag ng Malacañang na bumalik na siya sa Pilipinas mula sa The Hague, Netherlands, at tuparin ang kanyang mga tungkulin sa Office of the Vice President (OVP). Kasalukuyan si VP Sara sa The Hague para samahan ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na inaresto noong Marso 11 batay sa isang warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong "crimes against humanity" na may kaugnayan sa madugong giyera kontra droga na isinagawa ng administrasyon ng kanyang ama.
Sa isang press briefing na isinagawa noong Marso 20, ipinahayag ni VP Sara na hindi niya intensiyon na manatili sa Netherlands, dahil ang kanyang pamilya at mga trabaho ay nasa Pilipinas. Gayunpaman, bilang Bise Presidente, nararamdaman niyang may responsibilidad siya sa isang kababayan na kasalukuyang nakakulong sa ICC detention center.
“Pero as Vice President, may duty din ako sa isang kababayan natin, isang Filipino citizen who is held against his will dito sa ICC detention center,” sabi ni VP Sara.
Idinagdag niya, "Kaya huwag nating isipin na tatay ko siya. Isipin na lang natin na Vice President ako at gumagawa ako ng paraan kung paano maibalik natin ang isang Filipino citizen sa ating bayan."
Binigyang diin pa ni VP Sara na hindi niya nakakalimutan ang kanyang mga responsibilidad sa OVP, at nagsusumikap siyang mag-multitask upang magampanan ang mga ito habang nasa The Hague.
"Hindi ko nakakalimutan ang aking trabaho diyan sa Office of the Vice President. Araw-araw kaming nag-uusap ng aking mga kasamahan. Iilan na lang ang naiwan na projects dahil approximately P700M yung budget namin diyan," aniya.
Paliwanag ni VP Sara, nakatuon ang adbokasiya ng OVP sa pagpapabuti ng edukasyon ng mga kabataan kaya’t ang karamihan sa kanilang mga proyekto ay nakabatay sa pagtatapos ng school year.
Sinabi niya, "Multitasking ako. Nandito ako bilang Vice President, ginagawan ko ng paraan paano maibalik ang dating pangulo sa ating bayan. Nagtatrabaho ako sa pamamagitan ng aming mga satellite offices at central office ng Office of the Vice President, tuloy-tuloy ang serbisyo namin para sa bayan."
Muling iginiit ni VP Sara na wala siyang balak manatili sa The Netherlands.
"At yes, wala po akong balak na tumira dito sa The Netherlands. Hindi ko po gustong tumagal dito," dagdag pa niya.
Binanggit ni VP Sara na alam niya kung paano mag-balansi ng trabaho, aniya, "Alam ko kung paano mag-balanse ng trabaho dahil mas mahirap pa ang trabaho ng isang mayor kasi sobrang dami ng issues and concerns ng isang lugar. So marunong na ako mag-balanse."
Inamin din niyang naranasan na niyang humarap sa mga hamon sa kanyang tungkulin bilang alkalde ng Davao City bago siya naging Bise Presidente noong 2022.
Sa kabila ng mga isyu, sinabi ni VP Sara na hindi pa siya sigurado kung gaano pa katagal siya mananatili sa The Hague, dahil hindi pa umano nabubuo ang legal team ni dating Pangulong Duterte. Kamakailan lang ay inanunsyo ni VP Sara na si British-Israeli lawyer Nicholas Kaufman ang magiging lead counsel ni Duterte.
Sa kabila ng mga nagaganap, ipinakita ni VP Sara ang kanyang determinasyon na magsilbi at magtrabaho para sa kapakanan ng bansa at ng kanyang mga kababayan, habang patuloy niyang tinutulungan ang kanyang ama sa kanyang legal na laban sa The Hague.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!