Kilalanin Si Miss Eco International 2025, Alexie Brooks

Lunes, Abril 21, 2025

/ by Lovely


 Isang malaking karangalan na naman ang ibinigay ng Pilipinas sa buong mundo matapos magwagi si Alexie Mae Caimoso Brooks bilang Miss Eco International 2025. Ang grand coronation night ay ginanap noong Sabado, Abril 19, sa AlZahraa Ballroom ng Hilton Green Plaza sa Alexandria, Egypt.


“PILIPINAS, WE MADE ITTTTT! MAHAL NA MAHAL KO KAYONG LAHAT!”


Kasama nito ang kanyang mga larawan suot ang korona, may ngiting hindi matatawaran—hindi lang dahil sa tagumpay, kundi dahil sa lahat ng pinagdaanan bago ito marating.


Sa dami ng magagandang kandidata mula sa iba’t ibang bansa, namukod-tangi si Alexie – hindi lang sa kanyang ganda at talino, kundi pati sa kanyang kuwento ng pagsusumikap at inspirasyon.


Si Alexie ang ikatlong Pilipina na nanalo ng titulong ito. Nauna na sina Kathleen Paton noong 2021 at Cynthia Thomalla noong 2012. Pero sa likod ng tagumpay na ito, marami ang nagtatanong: sino nga ba si Alexie Brooks bago siya naging beauty queen?


Isinilang siya noong Pebrero 21, 2001 sa Metro Manila. Ang kanyang ina ay isang OFW sa Lebanon, habang ang kanyang ama ay hindi niya nakilala. 


Bagama’t sa lungsod siya ipinanganak, lumaki siya sa isang maliit na bayan—Leon, Iloilo—kasama ang kanyang lola na siya ring tumayong magulang niya.


Sa isang panayam ng ABS-CBN News noong Enero, ikinuwento ni Alexie kung gaano kahalaga ang papel ng kanyang lola sa kanyang buhay. 


Ani niya, “Without her, I don't think I have this dream. I don't think I would be able to achieve the achievement that I have right now kasi everything I do right now and everything I have done is also for her.”


Hindi naging madali ang buhay para kay Alexie. Naranasan niya ang magbanat ng buto habang nag-aaral, maging isang student-athlete, at tumulong sa kanyang lola sa pagtitinda ng gulay sa palengke. Ibinahagi rin niya na minsan ay pumapasok siyang walang baon o tanghalian, at nagkakautang pa sila para lang may makain.


Bukod sa kahirapan, naging biktima rin siya ng pangungutya. Dahil sa kulay ng kanyang balat, madalas siyang mapagtripan. 


“My life isn't easy back in Leon. I often get bullied for being black. I don't have my parents growing up. At times I didn't have lunch going to school. I remember that we don't have money to buy rice,” kwento niya.


Pero sa kabila ng lahat, hindi siya sumuko sa pangarap. At noong Enero 2024, nagsimulang matupad ito nang tanghalin siyang Miss Iloilo 2024. Doon siya unang nasilayan ng buong bansa, at naging kinatawan ng Iloilo sa Miss Universe Philippines 2024. Hindi man siya ang nakoronahan sa gabing iyon, napasama siya sa Top 10 at nakuha ang titulong Miss Eco Philippines 2025.


At ayun na nga—mula Iloilo, patungong national stage, at ngayon, international crown na ang hawak niya.


Si Alexie Brooks ay hindi lang beauty queen. Isa siyang simbolo ng katatagan, determinasyon, at pagmamahal sa pamilya. Isa siyang paalala na kahit gaano kahirap ang simula mo, may pagkakataon kang magningning—kung mananatili kang totoo, masipag, at may malasakit sa pinanggalingan mo.


At ngayon, hindi lang siya reyna ng entablado—reyna rin siya sa puso ng maraming Pilipino.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo