Mariing pinabulaanan ng aktres na si Marjorie Barretto ang mga paratang na siya umano ang sanhi ng paglayo ng loob ng kanyang mga anak sa kanilang ama na si Dennis Padilla. Ayon kay Marjorie, walang katotohanan ang sinasabing siya ang nag-impluwensiya sa pananaw ng kanyang mga anak laban sa kanilang ama.
Sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz sa kanyang YouTube show na "Ogie Diaz Inspires" na inilabas nitong Biyernes, Abril 11, isinalaysay ni Marjorie ang panig niya hinggil sa matagal nang isyu ng alitan sa pagitan ng kanyang pamilya at ni Dennis.
Pahayag ni Marjorie, “Mula bata pa ang mga anak ko, bago kami maghiwalay, 18 years ago…tuwing hinihiram niya ang mga anak ko, para sa kaalaman ng lahat ng tao and as God is my witness, ako ang sinisiraan niya sa mga anak ko.”
Aniya pa, malinaw na nakatatak sa isip niya ang madalas sinasabi ni Dennis noon sa kanyang mga anak: “Dennis ‘wag mo ‘tong ide-deny ever because ang lagi mong sinasabi tuwing susunduin niya ang mga anak ko, ‘Paglaki n’yo, I will tell you what your mom did to me.’”
Dahil dito, giit ni Marjorie, hindi kailanman siya ang nagtanong o nagtanim ng sama ng loob sa puso ng kanilang mga anak. Ayon pa sa kanya, dumating na lamang sa punto na mismong mga anak nila ang nadismaya at napagod sa mga pahayag ng ama.
“Dennis forgetting that they grew up in a household na palagi kaming nag-aaway. Bago ko naman iniwan si Dennis mga 14 years na akong nagtitiis,” dagdag pa ng aktres.
Ipinaliwanag din ni Marjorie na hindi madaling naging buhay nila habang magkakasama pa sila ni Dennis. Ani niya, halos labing-apat na taon siyang nagtiis sa isang relasyong punô ng sigalot. Kaya nang magpasya siyang iwan ang aktor, para ito sa kapakanan nilang lahat.
“Hindi siguro alam ng iba, pero sa loob ng tahanan namin, palaging may tensyon. Puro pagtatalo. Hindi ‘yon healthy para sa mga bata,” ani Marjorie.
"Kaya noong iniwan ko siya, hindi ‘yon basta-basta. Matagal ko ring pinag-isipan."
Kamakailan, muling naging sentro ng usapan si Dennis matapos niyang maglabas ng hinaing sa social media tungkol sa umano’y hindi niya pagkakasali sa mga importanteng bahagi ng kasal ng kanilang anak na si Claudia. Ayon kay Dennis, tila ba hindi siya kinikilala bilang ama ng kanyang mga anak, bagay na mabilis namang kumalat at pinag-usapan online.
Bagamat hindi direktang sinagot ni Marjorie ang isyu ni Dennis tungkol sa kasal, malinaw sa kanyang mga pahayag na gusto na niyang ilinaw ang kanyang posisyon bilang ina.
“Hindi ko kailanman tinakpan o ipinilit sa mga anak ko ang kahit anong opinyon. Sila mismo ang bumuo ng sarili nilang pananaw batay sa karanasan nila,” ani Marjorie.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!