Pumanaw na ang tinaguriang “Superstar” ng pelikulang Pilipino na si Nora Aunor sa edad na 71 noong Miyerkules Santo ng gabi, Abril 16, 2025. Ang balitang ito ay kinumpirma ng kanyang anak na si Ian De Leon sa pamamagitan ng kanyang mga post sa Facebook.
Sa isang post, nagbigay-pugay si Ian sa kanyang ina: “We love you Ma.. alam ng Diyos kung gano ka namin ka mahal.. pahinga ka na po Ma.. nandito ka lang sa puso at isipan namin..”
Samantala, sa isa pang post, isinulat ni Ian, “With deep sorrow and heavy hearts, we share the passing of our beloved mother, Nora C. Villamayor 'Nora Aunor' who left us on today April 16, 2025 at the age of 71. She was the heart of our family — a source of unconditional love, strength, and warmth. Her kindness, wisdom, and beautiful spirit touched everyone who knew her. She will be missed beyond words and remembered forever. Details to be announced tomorrow.”
Hindi binanggit ni Ian ang sanhi ng pagkamatay ng kanyang ina.
Si Nora Aunor, ipinanganak bilang Nora Cabaltera Villamayor noong Mayo 21, 1953 sa Iriga, Camarines Sur, ay isang aktres, mang-aawit, at film producer na kilala sa kanyang mga natatanging pagganap sa pelikula at telebisyon. Nagsimula ang kanyang karera bilang mang-aawit noong dekada 1960 at kalaunan ay naging isa sa mga pinakamalaking bituin sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Naging bahagi siya ng mahigit 200 pelikula at palabas sa telebisyon, at nakatanggap ng iba't ibang parangal, kabilang ang Best Actress Award sa Asian Film Awards noong 2012 para sa kanyang pagganap sa pelikulang "Thy Womb." Noong 2022, pinarangalan siya bilang National Artist for Film and Broadcast Arts ng Pilipinas.
Kamakailan lamang, nagdesisyon si Nora Aunor na umatras bilang ikalawang nominee ng People’s Champ Guardians party-list at nagbigay ng suporta sa Kabayan party-list, isang hakbang na ipinagdiwang ng mga miyembro ng Kabayan party-list bilang isang pagpapakita ng malasakit at dedikasyon ni Nora sa paglilingkod sa bayan.
Ang kanyang pagpanaw ay nagdulot ng kalungkutan sa buong bansa, ngunit ang kanyang mga kontribusyon sa sining at ang kanyang legasiya bilang isang huwarang Pilipina ay patuloy na magsisilbing inspirasyon sa mga susunod na henerasyon.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!