Inihayag ng TV host at public servant na si Sam Verzosa ang kanyang buong kahandaang humarap sa isang bukas na debate laban sa kapwa kandidato sa pagka-alkalde ng Maynila na si Isko Moreno. Ayon sa kanya, mahalaga ang ganitong plataporma para mailahad sa publiko ang kani-kanilang mga layunin at plano para sa lungsod.
Sa isang media forum na ginanap sa Kamuning Bakery nitong Lunes, Abril 15, diretsahang sinabi ni Verzosa na handa siyang sumabak sa anumang pampublikong talakayan.
Aniya, “Kung magkakaroon man ng debate, handa po tayo na lumaban at sumagot.”
Inilahad din niya na ang ganitong klaseng diskurso ay hindi lang tungkol sa pagpo-promote ng sarili, kundi para mas makilala ng mga taga-Maynila kung sino talaga ang may konkretong plano at malasakit sa kanila.
“Kailangan magkaroon ng forum o talakayan para malaman ng mga tao ang plani ng bawa’t isa. Importante yan na makilala ng mga tao ang mga kandidato at ang kanilang mga plano. Bukod doon sa salita, maramdaman nila kami,” dagdag pa ni Verzosa.
Hindi rin niya pinalampas ang pagkakataon upang iparating ang kanyang pananaw sa mga politikong mahusay magsalita ngunit kulang naman sa gawa.
“Marami ang magagaling magsalita at matatamis ang mga dila. Sasabihin lang nila yung gusto n’yong marinig. Pero noong nabigyan naman sila ng pagkakataon, hindi naman ginagawa,” ani pa niya.
Si Sam Verzosa, na matagal nang kilala bilang isang entrepreneur, public figure, at karelasyon ng aktres na si Rhian Ramos, ay unti-unti nang lumalalim ang pagkakasangkot sa larangan ng serbisyo publiko. Sa kanyang pagtakbo bilang alkalde ng Maynila sa halalan sa Mayo 12, 2025, isa sa kanyang layunin ay maging boses ng mga Manileño at dalhin ang bagong mukha ng liderato sa lungsod.
Kaugnay nito, hinikayat rin niya si Isko Moreno na huwag iwasan ang pagkakataon na makipagharap sa isang matalinong talakayan para sa kapakanan ng publiko.
“Sana huwag siyang umatras para sa matalinong debate. Hindi ito personalan. Ito po ay para sa kinabukasan ng mga Manileno para pag-usapan ang mga plano namin at ano ang kaya namin gawin."
Dagdag pa niya, “Ano ang kaibahan mo sa dati at masagot na lahat ng mga issue sa Maynila. Sana huwag siyang umurong at harapin natin ang mga Manilenyo.”
Binigyang-diin din ni Verzosa na ang kanyang hangarin ay hindi lang para tumakbo sa puwesto, kundi upang tunay na maghatid ng pagbabago. Aniya, “Hindi ito laban ng dalawang personalidad. Ito ay laban para sa kinabukasan ng Maynila. Kung may respeto tayo sa ating mga kababayan, dapat handa tayong humarap sa kanila at magpaliwanag.”
Sa ngayon, inaabangan ng publiko kung magkakaroon nga ba ng pormal na debate sa pagitan ng dalawang aspirant para sa pinakamataas na posisyon sa lungsod. Ngunit kung si Verzosa ang tatanungin, bukas ang kanyang pinto para sa kahit anong diskusyon—basta’t para sa kapakanan ng bawat Manileño.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!