Nagbigay na ng pahayag ang kilalang showbiz insider at talent manager na si Cristy Fermin patungkol sa kasong cyberlibel na isinampa sa kanya ng Kapuso actress na si Bea Alonzo.
Sa kamakailang episode ng Cristy Ferminute nitong Byernes May 3, 2024, ipinahayag ni Cristy Fermin ang kanyang saloobin patungkol sa panibagong kaso na kinakaharap niya na isinampa ni Bea Alonzo.
Ayon kay Cristy Fermin, wala pa siyang detalyadong impormasyon na ihahayag sa kanyang mga followers dahil wala pa naman siyang hawak na impormasyon. Hindi pa umano niya alam ang kabuuang sinumpaang salaysay ni Bea Alonzo kung bakit ito nagsampa ng cyber libel laban sa kanila ng mga kasamahan niya at kay Ogie Diaz.
Nauna nang naiulat ang pagpunta ni Bea Alonzo sa Quezon City Prosecutor's Office upang personal na magsampa ng magkakahiwalay na tatlong counts ng cyber libel laban kina Cristy Fermin, Ogie Diaz at maging sa kani-kanilang mga co-hosts.
May isa pang personalidad na kinasuhan si Bea Alonzo, ito ay ang taong nagpapanggap umano na malapit sa kanya at nagsisiwalat ng mga gawa-gawang istorya na pinag-uusapan naman sa mga online shows nina Ogie Diaz at Cristy Fermin.
Sinagot rin ni Cristy Fermin ang pahayag ng legal counsel ni Bea Alonzo na si Atty. Jose Manolo Garcia patungkol sa paggamit umano nila ni Ogie Diaz sa negative sensationalism ni Bea Alonzo para magkaroon ng malaking views.
Iginiit ni Cristy Fermin na ang mga programa nila ni Ogie Diaz ay hindi naman para lamang kay Bea Alonzo kundi ang pagbabalita sa mga buhay ng mga public figures.
Ibig sabihin ay hindi si Bea Alonzo ang kanilang pinuhunan kundi ang lahat ng mga public figures sa loob ng bansa. Inilahad pa ni Cristy Fermin na inilalatag naman umano nila ang mga natanggap na kwento at depende na lamang sa pagtanggap ng artista.
Hindi naman umano niya hinaharangan ang karapatan ni Bea Alonzo na magsampa ng kaso subalit hinding-hindi umano ito maaring maging busal para sa manahimik sila sa kanilang karapatan sa malayang pamamahayag.