Naglabas na nang pahayag ang internet personality na si Whamos Cruz patungkol sa isyung nagnakaw siya ng video mula sa ibang mga content creator para gamitin sa kanyang 'Piliin Mo Ang Pilipinas' entry.
Matatandaan na kaagad na nagreak ang isang content creator ng natuklasan niya na ginamit ni Whamos ang ilan sa kanyang mga video clips nang hindi humihingi ng kanyang pahintulot para gawin ang 'Piliin Mo Ang Pilipinas' trend.
Sa halip na humingi ng tawad, ipinagtanggol ng internet celebrity na si Whamos Cruz ang kanyang sarili at pinagsabihan ang mga taong mabilis na nanghusga sa kanya dahil sa umano'y hindi awtorisadong paggamit ng mga clip para sa kanyang “Piliin Mo Ang Pilipinas” entry.
Bilang tugon ng pagrereklamong ito, binanggit ni Whamos Cruz ang orihinal na may-ari ng mga clip sa kanyang comment section ng kanyang post.
Kaagad naman itong umani ng samu't-saring komento mula sa mga netizens at nakatanggap rin ng pambabatikos si Whamos Cruz kung saan marami ang nagsasabing dapat itong humingi ng paumanhin sa totoong may-ari ng video clip.
Sa gitna ng mga batikos na natanggap ng internet personality, iginiit ni Whamos na wala siyang kasalanan sa insidente dahil ang nangopya ng clip ay ang kanyang editor.
“Meron akong nabalitaan na ninakaw ko daw po ‘yung clip. So meron siyang caption na ‘Whamos stole my video,’ medyo nasaktan ako doon sa part na ‘yun. ‘Yung sa akin lang, nag-message na lang sana, hindi na nag-post sa social media,” pahayag ni Whamos.
“Hindi po ako ‘yung nag-install ng video na ‘yun. Ang nag-install po nung video na ‘yun sa entry ko is ‘yung editor ko….Ako na po ‘yung humihingi ng pasensya sa editor ko sa nangyari,” dagdag pa nito.
Iginiit din ni Whamos na wala namang dapat na ikagalit ang videographer ng mga clip dahil ginamit naman sa tama ang kanyang mga video.
“Ginamit naman po ‘yun sa tamang paraan, hindi naman po sa maling paraan, hindi naman po sa pangit na video ‘yung pinasukan nung video niyo po,” pahayag ni Whamos.
Dahil dito lalong nabatikos si Whamos Cruz dahil sa pagiging ma-pride niya at sa pag-justify sa kanyang mga kamalian.